Sunday, February 12, 2006

Sunog mga kapatid! Halabira!

"Hindi dahil sa hindi ako napapaso ay ibig sabihin hindi ako nasusunog. Tao pa din ako, kahit ako tinatablan." - 3stan 3svalles

Ewan ko sa inyo. Bakit ako? Meron naman siguro diyang iba na kaya siya. Ayokong maging "sacrificial lamb", di ako papayag sa "suicide mission" na yan hangga't may ibang paraan. Alam ko kung sino sya, alam ko ang magagawa nya at alam ko din ang magagawa ko. Sa ngayon, tingin ko di pa oras para kumilos. Mahirap sumingit at makialam kahit may plano dahil minsan mas malakas ang hatak ng tadhana at swerte. Kahit gaano ka kahanda, pag di pa oras, walang mangyayari at kung meron man, malamang hindi ayon sa binabalak. Mahirap, maraming bagay na nakataya. Kaya kong makipaglaro sa apoy kasi alam ko kung hanggang saan ko kaya lumapit, alam ko kung kailan ako mapapaso. Ibang bagay ang masunog. Pag nagsimula ka na masunog sa apoy, pwede kang lamunin nito ng buo o paunti-unti. Paunti-unti man o buo, parehong masakit. Mahirap nang bumangon, minsan baka nga hindi ka na makabangon pa. Tama lang matakot sa apoy, pero ibang tanong na ang pagkontrol sa apoy, lalo na yung tipo na nagliliyab.

Sa ngayon, napapaisip ako, hanggang saan nga ba ang kaya ko? Kaya ko na bang kumain ng apoy? Baka ako pa ang kainin nito, mahirap na, minsan nakakalimot ako mag-ingat. Iniisip ko, marunong din bang masaktan ang apoy? Kung nabuhusan ba ito ng tubig, pareho kaya ang sakit na nararamdaman nito kapag ito ay nakakapaso ng iba? Saka, di naman ako tubig, isa din akong apoy, di nga lang kasing init, di lang nagliliyab tulad niya. Hindi ko sinusunog ang nasa paligid ko, at hindi ko din sila pinapaso, kasi hindi ko sila binibigyan ng pagkakataon makalapit. Kahit kaunting init, di nila mararamdaman, dahil may bakod ako na nakapaligid para siguradong tama lang ang layo nila, sapat para di nila malaman ang tinatagong anyo at pagkatao. Hindi naman talaga sikreto pero hindi din para sa kaalaman ng lahat ng tao. Pero kung apoy din ako, di ba ibig sabihin nun ay hindi ako masusunog? Di ko alam, di ko pa nasubukan makipag tagisan ng init sa isa pang apoy. Ang tingin ko, magiging isa ang dalawa, at pag nangyari yun, ang isa ang lalamon sa isa. Isang apoy lang ang maiiwan na nagbabaga, mawawala na ang pagkatao ng isa. Malamang ayoko na ako ang malamon. At ayaw ko din syang mawala. Ewan, mahirap. Kaya siguro mas tingin ko dapat lang magkaroon ng distansya.

Sa ngayon, may naisip akong paraan para makampante ang iba. Kung ano man iyon, sa akin na lang iyon. Malalaman na lang pag kinailangan ng isagawa. Hindi nila kailangan mangamba, pwede nilang kalimutan ang takot sa ngayon. Ako ay magbabantay na lang, siguraduhing wala syang masunog. Hindi ko sya susubukan gawing maamo, di bagay sa kanya. Sa ngayon, tatalasan ko na lang ang aking pakiramdam, bubuksan ang aking mga mata, upang makasigurado na wala syang magawang masama o anumang bagay na makakasira sa kanya.