Tuesday, July 15, 2008

mababaon sa limot

sa dami ng kailangan gawin, dumami din ang natambak na iba pang gawain. mga libro na nasimulan basahin ngunit di pa natatapos. mga bagay na nakakalat na sana ay aayusin. mga babasahin sa eskwela na nakaplanong aaralin. mga sirang gamit na maari pang kumpunihin. mga materyales at bagay na sana ay bibilhin. kahit perang nakalaan sa ibang bagay ay nagamit na din sa mga bagay na mas kailangan. mabilis pa din ang takbo ng buhay at ipinamukmukha na masyado pa akong mabagal para makasabay. habang dumadami ang mga bagay na mukhang mababaon sa limot. may mga bagay na maari pang balikan, may ilan na hindi na. kailangan na lang tanggapin na may mga bagay na talagang napaglilipasan ng panahon at hindi na maaring balikan. tama lang siguro na mabaon sa limot ang ilan sa mga ito dahil pabigat na lamang ang tanging silbi nito.

ganun din ang ibang aspeto ng buhay. may kailangang bitiwan, may kailangang itago. pag nagkamali sa pinili, maaring pagsisihan o kaya ay panindigan na lamang. kahit anong mangyari, di ka maaring huminto. pipilitin kang pumili at sumabay sa takbo ng buhay. madadapa at madadapa, babangon ng babangon. liilingon-lingon kung saan na tutungo. di maaring maupo at magmunii-muni. pwera na lang kung gusto mong mapag-iwanan at mabaon na din sa limot.